MANILA, Philippines – Ilang araw na lang ay Pasko na kaya naman aktibo na naman ang mga carnapper matapos na isang sasakyan ng executive producer ng ABS-CBN channel 2 ang natangayan ng sasakyan sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Ang insidente ay nabatid makaraang dumulog sa tanggapan ng Quezon City Police ang biktimang si Grace Casimsiman, executive producer ng programang Juanita Banana at residente sa Brgy. Roxas District para magreklamo.
Natangay sa biktima ang isang Mitsubishi Estrada model 2010 (PJO-828) na ipinarada lamang umano nito sa may harap ng isang apartment sa Scout Chuatoco St., Brgy. Roxas District sa lungsod ganap na alas-12 ng tanghali.
Sa imbestigasyon, pansamantalang iniwan ng biktima ang sasakyan sa lugar at makalipas ang ilang oras nang ipakuha na niya ito sa asawa ay doon nabatid na wala na ito sa pinagparadahan.
Sinabi ng mga awtoridad, maaaring natunugan ng mga suspect na walang nagbabantay sa sasakyan kung kaya malaya nila itong nabuksan at natangay.