1 todas, 2 sugatan sa karambola ng sasakyanÂ
MANILA, Philippines - Patay ang isang binata habang dalawa pang katao ang sugatan kabilang ang manugang na huwes ni Caloocan City Mayor Recom Echiverri sa karambola ng tatlong sasakyan, kahapon ng madaling-araw sa naturang lungsod.
Nakilala ang nasawi na si Rendel Lanutan, 22, ng no. 194 L. Roxas St. Sta. Quiteria, ng naturang lungsod. Nagtamo ito ng matinding pinsala sa katawan at ulo kung saan hindi na ito umabot ng buhay sa Manila Central University (MCU).
Isinugod rin naman sa naturang pagamutan dahil sa bahagyang pagkakasugat sina Quezon City Metropolitan Trial Court Judge Madonna Echiverri, 40, misis ni National Liga ng mga Barangay President at Caloocan Councilor Ricojudge Echiverri. Isinugod rin sa naturang pagamutan ang driver na si Winston Ryan Lim, 26, ng F. Roxas St., 4th Avenue, Gracepark, ng naturang lungsod.
Patuloy namang inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng tumakas na driver ng isang kotse na may plakang BDY-861 na siyang responsable sa karambola at nakasagasa sa biktimang si Lanutan.
Sa ulat ng Caloocan Traffic Management Unit, naganap ang insidente dakong ala-1:30 ng madaling-araw sa kahabaan ng EDSA West bound sa Bgy. 193. Lulan sina Ricojudge at ang kanyang misis ng kanilang Toyota Innova (TFB-270) habang kabuntot ang Mitsubishi Lancer (NQV-262) na minamaneho ni Lim at ang kotse ng suspect.
Unang nabundol ng sasakyan ng suspect ang kotse ni Lim na bumangga rin naman sa sinusundang Innova ng mga Echiverri. Kinabig umano ng suspect ang kotse nito sa kanyang pagtakas ngunit nasagasaan naman si Lanutan na tumatawid sa kalsada sa pagmamadali nito.
Mabilis namang dinala ng mga tauhan ng Caloocan City Hall ang mga biktima sa naturang pagamutan kung saan hindi na umabot ng buhay si Lanutan.
- Latest
- Trending