MANILA, Philippines - Binalaan ni Quezon City Mayor Herbert Bautista ang mga may-ari ng mga pribadong tahanan at pabrika na papatawan ang mga ito ng parusa oras na makitang nakakaapekto sila sa lagusan ng tubig sa lungsod.
Kasabay nito, inatasan ni Bautista ang city building official na pasimulan na ang pagbibigay ng abiso sa mga may-ari ng mga illegal structures upang sila ay makagawa ng kaukulang paghahanda na maalis ito at maisaayos.
Binigyan ni Bautista ang mga may-ari ng factory ng anim na buwan upang isaayos ang mga istraktura.
Sinasabing may mga pabrika na nakakasagabal sa waterways sa kahabaan ng Bgy. Balumbato hanggang sa Nagkaisang Nayon na isang industrial part ng 2nd district ng QC.
“We have to show these people that we are in control. We have to make sure that all parameters of the law are enforced without fear or favor,” ayon kay Bautista.
Sa kasalukuyan, ang QC ay katulong ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa paglilinis sa mga waterways sa QC.