MANILA, Philippines - Madaragdagan pa ang mga fuel tankers na makikipagsiksikan sa trapiko sa Metro Manila makaraang aprubahan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagbibigay ng eksempsyon sa truck ban sa 100 tanker units buhat sa iba’t ibang kompanya ng langis.
Ang karagdagang mga fuel tankers na makikipagsabayan sa pagbiyahe sa mga kalsada sa Metro Manila upang magdeliber ng mga produktong petrolyo ay buhat sa Petron Corporation, Total, Sea Oil, Jetti at Fil Pride.
Nasa 76 fuel tankers ang buhat sa Petron, 14 sa Total, 6 sa Sea Oil at tig-2 ang Jetti at Fil Pride.
Inaprubahan ang eksempsyon sa truck ban sa mga ito makaraan ang pagpupulong ng MMDA sa mga opisyales ng Department of Energy kung saan nakita nila na magpapatuloy ang kakapusan sa suplay ng petrolyo sa Metro Manila dahil sa patuloy na pagkakasara ng pipeline ng First Philippine Industrial Corporation (FPIC).
Bukod pa ito sa 146 fuel tankers ng Filipinas Shell at Chevron Philippines na siyang pangunahing gumagamit ng pipeline.
Nasa “status quo” naman ang eksempsyon na ibinigay sa naturang dalawang kompanya.
Ayon sa DOE, hindi kayang makamit ang 1.8 milyong litro ng petrolyo na suplay ng Metro Manila dahil sa mahinang kapasidad ng Shell at Chevron kaya kailangang palakasin ang delivery ng petrolyo ng iba pang mga kompanya ng langis.
Hindi naman aplikable ang eksempsyon sa kahabaan ng Roxas Boulevard, Taft Avenue at EDSA. Balido ito hanggang Enero 2011.