2 kilo shabu nasamsam, big-time na 'tulak' nakatakas

MANILA, Philippines –  Sumablay ang operasyon ng Marikina City Police sa iligal na droga makaraang makatakas ang isang bigtime na tulak ng shabu nang magawang matakbuhan ang pulisya, gayunman naiwan nito ang dalawang kilo ng shabu na bitbit nito, kahapon ng madaling-araw sa naturang lungsod.

Hawak na ngayon ng pulisya ang apat na pakete na naglalaman ng tinatayang 2 kilo ng shabu  na iniwan ng suspek na nakilala lamang sa alyas Robert Tan, lider umano ng isang sindikato na nag-ooperate sa lungsod.

Sa ulat ng pulisya, isang buy-bust operation ang nakatakdang isagawa ng mga tauhan ng Station Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Group dakong ala-1:30 ng madaling-araw. 

Sinabi ni Marikina police chief, Sr. Supt. Romeo Magsalos na binubuntutan ng kanyang mga tauhan ang suspek nang posibleng maghinala umano ito.

Bigla na lamang umanong iniwan ng suspek ang isang backpack sa isang kanal sa may kanto ng JP Rizal at Japan Avenue sa may Brgy. Nangka at tumakas sa hindi mabatid na lugar.

Nabatid naman na nagkakahalaga ang nakum­piskang iligal na droga ng P6 milyon. 

Nangako naman si Magsalos na magpapatuloy ang kanilang operasyon upang tuluyang masakote ang naturang malapalos na suspek.

Show comments