Lim namigay ng regalo sa mga pasyente
MANILA, Philippines - Sinorpresa ni Manila Mayor Alfredo Lim ang mga pasyente ng Jose Abad Santos Mother and Child Hospital (JASMCH) nang mamahagi ito ng Christmas gift packs bilang bahagi ng unang taong anibersaryo ng nasabing pagamutan.
Kasama sina JASMCH director Dr. Teodoro Martin, chief of clinics Dr. Helen Yulde at mga ilang konsehal nagsagawa ng paglilibot sa ospital si Lim upang personal na makita ang mga naka-confine na may sakit.
Sa kanyang pagsasalita, sinabi ni Lim na ang nasabing ospital ay para sa lahat ng mga nangangailangan ng tulong medical maging ito man ay taga -Maynila o hindi.
Pinuri din ni Lim si Martin at mga personnel nito sa maayos na pagbibigay ng serbisyo sa lahat. Pinatunayan ni Martin ang kanyang galing kung saan umaabot na sa 100,000 pasyente mula sa OB o obstetrics, pediatric, family medicine, outpatient, surgery, dental, laboratory at ophthalmology ang napagsilbihan hindi pa kasama ang 200 pasyenteng sumailalim sa cataract operations.
- Latest
- Trending