MANILA, Philippines - Patay ang isang 30-anyos na motorcycle rider matapos na maipit ang sinasakyan nitong motorsiklo sa pagitan ng isang shuttle bus at isang sports utility vehicle (SUV), kahapon ng umaga sa Roxas Boulevard, Parañaque City.
Naisugod pa sa San Juan de Dios Hospital si Ariel Babayin, isang contractor, ng Republic Avenue, Area 1 Brgy. Holy Spirit, Quezon City subalit namatay din habang nilalapatan ng lunas sanhi ng pagkabasag ng kanyang bungo.
Sumuko naman sa pulisya ang driver ng San Agustin shuttle bus (PXX-743) na si Israel Arellano, 41, ng Wawa 2, Rosario, Cavite at ang driver ng SUV (ZPM-812) na si Rene Aldo Toledo, 38, ng Kundiman St., Paltok, Del Monte, Quezon City makaraan ang insidente.
Sa ulat ng Parañaque Traffic Management Unit, naganap ang insidente dakong alas-9:45 ng umaga sa panulukan ng Coastal Road at Roxas Blvd.
Nabatid na tinangka umanong lumusot ni Babayin sa pagitan ng dalawang mas malaking behikulo habang lulan ng kanyang Sym motorcycle (6327-NR). Ngunit sumabit umano ang motorsiklo sa isa sa sasakyan hanggang sa mawalan ng kontrol at tuluyang maipit. Pumailalim pa ang biktima sa bus habang nagulungan ang kanyang motorsiklo.
Nagdulot naman ng mahigit tatlong oras na pagkakabuhul-buhol ng daloy ng trapiko sa naturang lansangan ang insidente na naisaayos lamang nang maitabi na ang mga sangkot na sasakyan.