MANILA, Philippines - Kung dati ay mga aso lamang ang pinupuslit para ibenta, ngayon ay hindi na rin nakaligtas ang mga pusa matapos na may 40 pusa na ibinibenta umano sa mga estudyante ng medisina ang nailigtas ng pulisya sa lungsod Quezon kamakalawa.
Arestado ang apat katao na sinasabing responsable sa iligal na operasyon na sina Roberto Rasalan, Johnny Yee dela Cruz, Archie Garcia, at Arturo Tarlac; pawang mga residente sa Caloocan City.
Naging positibo ang operasyon, makaraang makatanggap ng impormasyon ang mga barangay tanod hingil sa isang sasakyan na may lulan ng mga pusa na nakatakdang dalhin sa isang bahay na nagbebenta nito sa mga medical student para pag-aralan sa kanilang laboratoryo.
Ayon kay Crisanto Capilitan, public safety officer ng Barangay Talipapa sa lungsod, nakarating sa kanila ang impormasyon na may isang Ford Fierra ang nag-iikot sa kanilang barangay at nanghuhuli ng pusa at isinasakay sa naturang sasakyan.
Dahil dito, ganap na alas-11 ng gabi ay inabangan ng mga barangay opisyal ang naturang sasakyan at naispatan ito sa may Santol compound sa kahabaan ng Quirino Highway Barangay Talipapa at sinita.
Nang siyasatin ang laman ng Ford Fierra (USJ-896) ay bumulaga sa mga barangay opisyal ang mga nakasalansang mga sako na nang buksan ay nakita ang mga naghihirap na mga pusa.
Sinasabing ang mga pusa ay nakatakda sanang dalhin sa isang Artemio Sanchez na siyang bumibili sa kanila ng halagang P30 bawat isa. Ibinibenta rin umano ni Sanchez ang pusa sa mga estudyante sa medisina sa halagang P1,000 kada isa para pag-aralan.