Holdaper kinuyog, patay sa bugbog ng taumbayan
MANILA, Philippines - Hindi umepekto ang mala-pelikulang gimik ng isang ’di pa kilalang holdaper na nagsabog ng pera habang hinahabol ng taumbayan dahil napatay din siya nang kuyugin at pagbubugbugin sa Ermita, Maynila, kahapon ng umaga.
Idineklarang dead-on-arrival sa Philippine General Hospital (PGH) sanhi ng tinamong matinding bugbog sa katawan ang suspect na holdaper na inilarawan sa edad na 30-39-anyos, may taas na 5’3’’ hanggang 5’4’’, katamtaman ang pangangatawan, kulot ang buhok, nakasuot ng kulay gray na t-shirt na may tatak na “SARCASM” at maong pants.
Sa ulat ni Det. Edmundo Cabal ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-5:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa kanto ng Padre Faura St., at Taft Ave., Manila
Una rito, isang biktimang kinilalang si Mary Jean Lumico, 43, nurse ang nag-withdraw ng pera sa ATM nang tutukan ng patalim ng suspect at saka puwersahang inagaw ang dalang bag na doon nakalagay ang pera.
Mabilis na tumakas ang suspect nang magsisigaw ang biktima hanggang sa mapansin ng security guard ng Girl Scout of the Philippines (GSP) at pumito ito dahilan upang habulin ito ng taumbayan.
Habang tumatakbo ay isinaboy ng suspect ang pera sa mga humahabol sa kaniya upang hindi siya abutan at pulutin ang pera. Subalit hindi pa rin siya tinantanan ng ilang humahabol hanggang sa makorner at kuyugin sa bugbog.
Sa ulat, hindi na narekober ang pera mula sa suspect na hinihinalang kinuha na ng mga humahabol na taumbayan.
- Latest
- Trending