MANILA, Philippines – Sa halip na umano’y magdiwang ng kanyang kaarawan, kamatayan ang ibinigay na regalo sa sarili ng isang factory worker na nagbigti dahil sa labis na selos sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Si Rogelio Yabes, 37, ay nakita na lamang walang buhay na nakabitin sa kisame sa isang bakanteng kuwarto ng kanyang tahanan sa #67 Riverside St., San Francisco Del Monte sa lungsod.
Ayon kay PO2 Jogene Hernandez, may-hawak ng kaso, bago ang pagpapakamatay, dahil sa birthday nito ay nakipag-inuman muna ang biktima sa kanyang mga kaibigan ganap na alas-2:30 ng hapon.
Matapos ito, nagkaroon umano ng pagtatalo ang biktima at nobyang si Margit Kaur kung saan tinatanong umano ng una ang huli kung bakit gusto na siyang iwan, kasabay ng pagbabanta na magpapakamatay ito kapag nawala siya.
Ayon kay Kaur, para matapos ang kanilang pagtatalo at para lumamig ang ulo ng biktima, nagpasya siyang iwan ito pansamantala at nakituloy sa kanilang kapitbahay.
Pasado alas-6 ng gabi, isang kapatid ng biktima na si Norlin Yabes ang nagpunta kay Kaur at hinahanap ang kapatid nito, kaya napilitan ang huli na umuwi na ng kanilang bahay.
Sa pagkakataong ito, pagpasok ni Kaur sa kanilang bahay at magtungo sa isang bakanteng kuwarto na nasa ikalawang palapag ng kanilang bahay ay bumulaga sa kanyang harapan ang walang buhay na nakabiting katawan ng biktima.
“Ang sabi niya, huwag ko siyang iiwan, tapos ako pala ang iiwan niya,” sabi pa ni Kaur.
Patuloy naman ang ginagawang pagsisiyasat ng pulisya sa nasabing insidente.