MANILA, Philippines – Hahawakan na rin ng National Bureau of Investigation (NBI) ang imbestigasyon sa naganap na barilan sa pagitan ng mga miyembro ng Manila Police District (MPD) at photojournalist na si Jasper Barcelon.
Nabatid na dumulog na si Barcelon sa NBI upang hilingin ang isang parallel investigation sa pangyayari noong Sabado ng madaling-araw sa tapat ng kanyang bahay sa Sampaloc, Maynila, kung saan sugatan at kritikal si PO3 Arthur Martinez, na nakatalaga sa District Mobile Patrol Unit at ama ni Barcelon na si Roberto Barcelon.
Nagsagawa na ng ocular inspection ang NBI para matukoy ang sinasabing pagpapaputok sa kanyang bahay ng mga pulis na kinabibilangan umano ni Martinez at apat na iba pang pulis.
Iginiit ni Barcelon na photographer ng Abante Tonite, na self-defense lamang ang pamamaril niya at hindi niya umano alam kung sino ang tatamaan dahil una silang pinagbabaril ng mga pulis at ‘binubuyo’ umano ang mga ‘lasing’ na pulis ng kanyang mga kapitbahay.
Giit ni Barcelon nais lamang niyang maiwasan ang pagkakaroon ng ‘whitewash’ sa imbestigasyon dahil sangkot ang mga tauhan ng MPD.
Hindi pa rin nakukunan ng bedside testimony si Martinez na nananatiling kritikal sa intensive care unit (ICU) ng UST Hospital.
Naging madugo ang insidente dakong alas-12 ng madaling-araw ng Sabado, nang sitahin umano ng nakababatang kapatid ni Jasper, na si Jayson ang pag-ihi ng isa umanong pulis sa kanilang bakod na yero na nauwi sa sagutan hanggang sa magkaputukan.
Nabatid na nasa isang lamayan ang grupo ni Martinez bago naganap ang insidente.
Nagsimula ang kaguluhan ng may bumato ng bote ng alak mula sa grupo ng mga lasing na kalalakihan na nang-urot sa umano’y mga pulis na nakikipag-inuman sa isang lamay sa tapat ng bahay ng mga Barcelon.