Operasyon ng LTO naparalisa
MANILA, Philippines - Apat katao kabilang ang isang retiradong colonel ang nasugatan nang puwersahang pasukin ng isang grupo ng guwardiya ang tanggapan ng IT provider ng Land Transportation Office sa lungsod Quezon kahapon ng umaga.
Dahil din dito, buong umagang naparalisa ang operasyon ng LTO dahil nga sa away ng dalawang nagsasabing may-ari ng IT provider ng LTO.
Ganap na alas-4 ng madaling-araw kahapon ay puwersahang nag take over ang grupo ng isang Aderito Yuhico at Bonifacio Sumbilla kasama ang may 30 guardiya sa loob ng tanggapan ng Stradcom corporation na may tanggapan sa tabi ng LTO Main sa East Avenue sa Quezon City.
Ang Stradcom Corporation ay pagmamay-ari ni Cezar Quiambao at sina Yuhico ang sinasabing pumasok sa kumpanya at nagsasabing sila ang may- ari ng Stradcom Corp.
Sa ginanap na press conference kahapon, sinabi ni DOTC Secretary Jose de Jesus na hindi nila panghihimasukan ang away ng dalawang grupo at ang priyoridad lamang ng ahensiya ay matiyak na hindi ito makakaapekto sa operasyon ng LTO.
Matapos ang halos kalahating oras na close door meeting ni Secretary de Jesus, LTO Chief Virginia Torres, representatives ng Solicitor Generals Office, QCPD Director Benharde Mantele at Atty Aris Batuhan ng Legal Affairs ng DOTC sa pagitan nina Quiambao at grupo ni Yuhico ay nagkasundo ang mga ito na habang hindi pa ayos ang gusot sa pagitan ng dalawang grupo ay sasailalim muna sa kontrol ng LTO ang Stradcom Corp.
Dakong ala-1 ng hapon ay bumalik na sa normal ang operasyon ng LTO.
Sa inisyal na ulat ng Police Station 10, isa sa mga sugatan ay nakilalang si Colonel Rolando Hidalgo, presidente ng security office ng Stradcom na nagtamo ng sugat sa ulo, at braso matapos na paghahampasin ng mga nagtangkang mag-take-over na security guard ng Unilateral Security Agency sa Stradcom office na nasa compound ng Land Transportation Office (LTO).
Samantala, sinabi ni Vince Dizon, Vice President for Corporate Communications ng Stradcom na patung -patong na kaso ang kanilang isasampa laban sa Pascual Security Agency at Unilateral Security Agency dahil sa puwersahang pagpasok ng mga ito sa compound ng Stradcom.
- Latest
- Trending