MANILA, Philippines - Maaring ngumiti subalit bawal bumati ng “Merry Christmas” ang mga airport immigration personnel na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ngayong panahon ng Kapaskuhan.
Sinabi ni Immigration Officer in Charge Ronaldo Ledesma, ang nasabing kautusan ay upang maiwasan ng mga pasaherong papaalis at paparating sa NAIA ang impresyon na nagso-solicit sila ng regalo maging cash o in kind man sa mga ito.
Nilinaw naman nito na ang kanyang kautusan ay hindi lamang para sa immigration officers na nakatalaga sa airport counters kundi sa BI supervisors at intelligence agents na nakatalaga sa lahat ng pangunahing daungan sa bansa.
Paliwanag pa ni Ledesma, kahit na sa tingin ng iba ay masyadong marahas, pangunahing tungkulin umano niya ay protektahan ang reputasyon ng kagawaran at ng mga empleyado nito.
Idinagdag naman ni BI Airport Operations Division (AOD) chief Maria Antonetter Bucasa na ang ban sa Christmas greetings ay mananatili hanggang sa katapusan ng buwan habang nasa kasagsagan ang balikbayans at Overseas Filipino workers (OFWs) na magdidiwang ng kanilang Pasko at Bagong Taon sa piling ng kanilang pamilya.