MANILA, Philippines - Binalaan ni Bureau of Immigration officer-in-charge Ronaldo Ledesma ang mga kawani ng ahensiya sa pag-iistambay sa mga restaurant at coffee shops na malapit sa BI main office sa Intramuros, Maynila.
Batay ito sa Memorandum Order ni Ledesma na nagbabawal sa sinumang empleyado at opisyal ng ahensya na lalabag sa kautusan kung saan ay may katapat na parusang suspensyon o dismissal sa serbisyo maliban pa sa paglabag sa Civil Service Rules And Regulations.
Ang naturang memorandum ay bunsod ng mga nakarating na ulat kay Ledesma na may ilang tiwaling empleyado at opisyal ng BI na ginagamit sa iligal na pakikipag-transaksyon ang mga coffee shops at restaurants.
Sinasabing sa mga coffee shops at restaurants din kadalasang nagkikita umano ang mga ‘fixer’ at mga tiwaling kawani o opisyal ng BI.
Sa nasabing kautusan, pinapayagan na makita ang presensiya ng mga empleyado ng BI sa coffee shops at restaurants sa main office area ng ahensya sa Intramuros mula alas-7 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali at ala-una ng hapon hanggang alas-5 ng hapon.