Killer ng principal, timbog
MANILA, Philippines – Itinuturing ng pulisya na lutas na ang kasong pagpatay sa isang high school principal matapos madakip ang sinasabing gunman nito, iniulat kahapon sa Caloocan City.
Nakakulong ngayon sa Caloocan City Police at sinampahan ng kasong murder ang suspek na si Bonifacio Salvador, 37-anyos, dating utility man sa Bagong Silang High School.
Sa imbestigation ng Station Investigation Division, ng Caloocan City Police, si Salvador ang itinuturong pumatay sa biktimang si Reynaldo Yamsuan, principal ng Bagong Silang High School noong Nobyembre 24 sa Waling-Waling St., Sampaguita Subdivision, Camarin.
Matatandaan na minamaneho ng biktima ang kanyang kotse (ZSH-711) sa naturang lugar nang bigla na lamang sumulpot ang suspek na sakay ng motorsiklo.
Walang sabi-sabing pinagbabaril ng suspek ang biktima at nang matiyak nito na patay na si Yamsuan ay saka lamang ito mabilis na tumakas sa hindi natukoy na direksiyon.
Ang pagkakadakip sa suspek ay base na rin sa isang saksi na lumutang sa pulisya na nagsasabing may 10 metro lamang ang kanyang layo sa pinangyarihan ng insidente at nakilala nito ang gunman, dahilan upang magsagawa ng follow-up operation ang mga pulis laban sa suspek sa Novaliches, Quezon City.
Nabatid na si Salvador ay tinanggal ng biktima sa pagiging utility man sa naturang paaralan dahil umano sa ginawa nitong pagnanakaw kaya’t bilang ganti ay pinatay nito ang nabanggit na principal.
Napag-alaman pa rin na ang suspek ay manugang ng assistant principal ng Bagong Silang Elementary School na si Paulita Diza na umano’y napagalitan din ng biktima sa naganap na meeting ng kanilang faculty at employees meeting.
Hanggang sa kasalukuyan ay inaalam din ng mga awtoridad kung may kinalaman si Diza sa ginawang pagpatay sa biktima, kung saan ay nakatakda itong imbitahan sa himpilan ng pulisya upang sumailalim sa isang interogasyon.
- Latest
- Trending