MANILA, Philippines – Patay ang dalawang hinihinalang karnaper nang makipagpalitan ng putok sa mga tauhan ng pulisya matapos na balewalain ng mga una ang itinatag na checkpoint kahapon ng umaga sa Caloocan City.
Walang nakuhang anumang pagkakakilanlan sa mga nasawi.
Ayon kay Sr. Supt. Jude Wilson Santos, hepe ng Caloocan City Police, naganap ang insidente dakong alas-2:30 ng umaga sa Shelterville Subdivision, Barangay 171, Camarin ng nasabing lungsod.
Nabatid na kasalukuyang nagsasagawa ng checkpoint ang mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 18 ng Sub-Station 5 ng Caloocan City Police, nang mapadaan dito ang mga suspek na sakay ng isang motorsiklo.
Sa halip na huminto ay pinaarangkada ng mga suspek ang kanilang sinasakyan dahilan upang habulin ang mga ito ng mga tauhan ng PCP 18 kung saan ay agad na nagpaputok ang dalawang suspect.
Dahil dito, napilitang gumanti ng putok ang mga pulis na naging dahilan ng pagbulagta ng dalawa na pinaniniwalaang karnaper.
Narekober malapit sa bangkay ng mga suspek ang dalawang kalibre .38 baril at isang nakaw na motorsiklo na umano’y pag-aari ng isang nagngangalang Vernel Escalicas, taga- Marilao, Bulacan.
Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga napatay na suspek at kung anong grupo miyembro ang mga ito.