MANILA, Philippines – Trahedya ang kinasapitan ng may isang oras na pangho-hostage ng isang lalaki sa kanyang live-in partner makaraang mapatay ang babae sa saksak bago pa man puwersahang mapasuko ng mga awtoridad, kamakalawa ng hapon sa Marikina City.
Hindi na nailigtas sa kamatayan ang biktimang si Rosalinda Aquino, 43, na nagtamo ng iba’t ibang tama ng saksak sa buong katawan.
Habang nakadetine na ngayon sa Marikina detention cell ang dating kinakasama na si Elpidio Mabahin, 42, ng Bonifacio Avenue, Brgy. Barangka, ng naturang lungsod. Sinampahan na rin ng Marikina police ng kasong murder si Mabahin.
Sa ulat ng Marikina police, naganap ang hostage-drama dakong alas-3:30 kamakalawa ng hapon sa loob ng banyo ng kanilang tinutuluyang bahay. Nabatid na naburyong umano ang suspek na si Mabahin dahil sa hindi makausap ang kanyang dalagitang anak na nasa pangangalaga ng lokal na Department of Social Welfare and Development (DSWD) nang maging biktima umano ng panggagahasa.
Rumesponde naman ang mga tauhan ng Marikina City Police at Rescue 161 kung saan isang negosasyon ang isinagawa upang mapakawalan ng suspek ang kanyang kinakasama. Habang nasa gitna ng negosasyon, nagduda ang mga awtoridad nang biglang tumahimik ang suspek at si Aquino. Dito na binomba ng tubig ng fire truck ang naturang banyo kung saan tumambad ang duguang si Aquino.
Nanlaban pa umano si Mabahin sa mga umaarestong pulis kung saan nakumpiska sa kanya ang isang bread knife na ginamit nito sa pananaksak sa kinakasama.