6 timbog sa mga pekeng credit cards
MANILA, Philippines - Kalaboso ang sinasabing utol umano ng isang dating konsehal ng Pasay City kasama ang limang iba pa dahil sa pagkakasangkot sa paggamit ng mga pekeng credit card, kamakalawa ng gabi sa naturang lungsod.
Nakilala ang naaresto na si Arman Arceo, 30, ng P. Burgos St. , Pasay City; Jessie Cunahap, 35; Gene Lozano, 35; Yolanda Perez, 57; Edwin Sy, 39; at Joseph Usi, 37.
Sinabi ni Pasay police chief, Sr. Supt. Napoleon Cuaton na si Arceo umano ay nakababatang kapatid ni dating Pasay Councilor Moti Arceo. Nakumpiska sa mga suspek ang may 50 iba’t ibang uri ng pekeng Visa at Masters Cards na ginagamit ng mga ito sa pagbili ng mga mahahalagang gamit, pagbabayad sa hotel at maging paglalaro sa casino.
Dalawang linggo nang minamanmanan ang grupo, kasama ang mga credit investigators ng Visa at Master Cards sanhi ng napakalaking halaga ng salapi na kanilang nakukulimbat sa pamamagitan ng paggamit ng pekeng credit cards.
Tumatayo umano bilang lider ng sindikato ang kapatid ng dating konsehal na nagtatago rin sa alyas na Arvin at Mark Anthony Arceo at ginagamit nila ang mga peke o cloned na credit cards sa pagpunta sa mga casino, sanglaan at iba pang transaksiyon na pagkakakitaan.
- Latest
- Trending