MANILA, Philippines - Bukod sa dulot na pagsisikip sa daloy ng trapiko, ibinunyag ng ilang opisyal ng Manila City Hall na kadalasang ginagamit sa holdap ang mga kuliglig kung kaya’t dapat lamang na ipagbawal.
Ayon sa opisyal, ang mga kuliglig driver mismo ang siyang taga-monitor ng kanilang bibiktimahin at saka isasagawa ang panghoholdap sa sandaling sumakay na ang mga ito.
Kadalasan ding iniipit ng isa pang mga kasamahan ang pasahero at pinapatay kung nanlalaban.
Sinabi naman ni Chief Inspector Mar Reyes, ng City Hall detachment, marami na silang natatanggap na reklamo ng panghoholdap sa mga kuliglig subalit hindi na lamang natutuloy dahil na rin sa kawalang interes ng mga biktima.
Samantala, sinabi naman ni Manila Mayor Alfredo Lim na hindi naman nila inaalisan ng kabuhayan ang mga kuliglig at sa halip ay nais lamang nilang ipatupad ang batas hinggil sa Clean Air Act.
Maging siya man ay nagulat nang malamang umaabot na sa may 10,000 ang kuliglig na bumibiyahe sa Maynila.
Bagama’t alam niya ang karapatan ng mga ito, kailangan din aniyang respetuhin ang karapatan ng lahat. Aniya, kung nakakadisgrasya ang mga kuliglig, hindi na ito maaaring habulin dahil na rin sa hindi nakarehistro sa Land Transportation Office.