MANILA, Philippines – Patas at wala umanong pinapanigan ang LTO sa ginagawa nitong pagkastigo laban sa mga pasaway na private emission test centers (PECTs) na nagsagawa ng non-appearance testing sa mga irerehistrong sasakyan.
Ayon kay LTO Chief Virginia Torres, mali ang bintang ng ilang Petcs na mayroon siyang kinikilingan sa pagpapasara ng mga Petcs. Katunayan ang mga Petcs na ito na nagreklamo sa DOTC laban sa kanyang walang humpay na kampanya ay iyong mga nagsagawa ng non-appearance testing.
Tugon ito ng opisyal matapos magreklamo ang Association of Private Emission Testing Center Owners for Environmental Protection (APETCOEP) na ang LTO daw ay may pinapanigan at unfair sa implementasyon sa kampanya nito laban sa mga Petc operators.
Karamihan anya sa miyembro ng Apetcoep ay nagsasagawa ng non-appearance kaya sila ay napaparusahan ng ahensiya.
Una rito, 3 Petcs ang naipasara ng LTO Petc Ad hoc committee, 8 iba pa ang nanganganib na ring maisara dahil sa n-a operation habang 18 Petcs naman ang nagsagawa ng procedural violations kayat suspendido ng 1 buwan at nagmulta ng P30,000.