BI na nagsauli ng US10,000 pinarangalan
MANILA, Philippines – Dahilan sa pagiging tapat at propesyonalismo, na-promote ang immigration officer na nagsauli ng envelop na naglalaman ng $10,000 sa papaalis na pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Sabado.
Si Amando Amisola, na kawani ng Bureau of Immigration sa loob ng dalawang taon, ay nakatanggap ng commendation mula kay Immigration officer-in-charge Ronaldo Ledesma sa ginanap na seremonya sa BI main office sa Intramuros, Maynila kahapon.
“Your honesty and integrity is the clearest indication yet that we now have in the Bureau of Immigration a cadre of young employees and officials whose sense of professionalism is unquestioned and beyond doubt,” pahayag ni Ledesma
Sinabi naman ni Amisola na kahit na nasa ospital ang kanyang ina dahil sa stage 4 cancer ay hindi siya nagdalawang-isip na isauli ang malaking halaga sa tunay na may-ari nito.
Sa salaysay ni Amisola, nagsasagawa siya ng inspeksyon sa mga papaalis na pasahero sa NAIA terminal 1 noong Sabado ng umaga nang mamataan niya ang brown envelop sa harap ng kanyang counter.
Kaagad umano nitong kinuha ang package at binusisi kung saan naglalaman ng US$10,000 kasama ang mga travel documents ng isang immigrant Filipino family na patungong Canada.
Kaagad nitong iniwan ang envelop sa kasamahan niyang immigration officers counter at hinabol ang pasahero na nakaiwan ng pera.
Nang mamataang papasok sa boarding area ay kaagad niya itong tinawag at tinanong kung may naiwan itong ibang bagay.
Dito naalala ni Francisco Patricio na nawawala ang kanyang pera at sinabi naman kay Amisola habang naglalakad sa immigration area na halos milyon piso ang laman ng envelop samantalang ang asawa naman nito na si Maricel ay umiiyak na.
Kaagad dinala ni Amisola ang mag-asawa sa counter at pinakita ang envelop at pinabilang ang pera kung saan kumpleto pa ito at nagpasalamat ang mag-asawa.
- Latest
- Trending