4 haydyaker naaresto
MANILA, Philippines – Naaktuhan ng mga tauhan ng Manila Police District na ibinababa ng apat na miyembro ng hijacking gang ang kahung-kahong produkto ng Colgate Palmolive Phils., mula sa closed van sa bahagi ng Paco, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Kasalukuyang sumasailalim sa tactical interrogation sa MPD-Station 10 (Pandacan) ang mga suspek na sina Christian Candelario, 30, truck driver, tubong Cabiao, Nueva Ecija at nakatira sa #954 Mindanao St., Sampaloc, Maynila; Paulo Izumi, 23, pahinante, ng #29 Trinidad St., Tondo, Manila; Rogelio Temporosa, 21, pahinante, ng Velasquez St., Tondo, Maynila at si Ruel Lopez, 26, pahinante, ng #302 Simon St., Tondo, Maynila.
Narekober ang milyong halaga ng assorted product mula sa Isuzu Canter (RDK 302) at Isuzu Elf (ZPW 393)
Sa ulat ni P/Supt Roderick Mariano, hepe ng MPD-Station 10, dakong 1:15 ng madaling-araw kahapon nang madakip ang mga suspek sa Mendiola Extension sa Otis, Paco.
Nabatid na bago maaresto ang mga suspek at marekober ang kargamento, nag-report sa pulisya si Angelito Usi, operations manager ng Fastcargo Logistic Corporation matapos mawalan ng contact sa driver na si dela Paz, at dalawang pahinante nito.
Lumilitaw na umalis ang tatlo mula sa warehouse ng National Distribution Center ng Colgate Palmolive sa Brgy Ibayo Tipas, Taguig City matapos kunin ang mga produkto para dalhin naman sa warehouse sa Passcor Drive, Parañaque City.
Naalarma si Usi kaya inireport sa pulisya ang pagkawala ng mga driver at dalawang helper.
Dahil sa impormasyon nakalap ng pulisya, inalarma sa mga presinto ng pulisya, kung saan nagawang mamonitor sa pamamagitan ng global positioning system (GPS) ang nawawalang closed van at nadatnan pa ng mga tauhan ni Col. Mariano na inililipat ang mga produkto sa Isuzu truck.
- Latest
- Trending