Negosyante sa mga City Hall officials: Clearing operations, huwag 'ningas cogon'
MANILA, Philippines - Sa kabila ng utos ni Manila Mayor Alfredo Lim kay Chief of Staff at Media Information Bureau chief Ric de Guzman, na magsagawa ng clearing operations isang opisyal din ng city hall, pulis at barangay official ang mismong lumalabag dito.
Ito naman ang nabatid mula sa ilang mga negosyante sa kahabaan ng Rizal Avenue kung saan sinabi ng mga ito na isang opisyal mula sa hawkers’ division, pulis at barangay official ang nagsasabing pinayagan na umano sila ng city hall na maglagay ng stalls sa ilalim ng LRT station.
Ayon sa mga negosyante, lubhang maapektuhan ang kanilang negosyo dahil ang mga ito ay pupuwesto sa harap ng kanilang mga tindahan at makaka-apekto din sa daloy ng trapiko sa lugar. Anila, huwag namang “ningas cogon” ang clearing operations ng city hall.
Dalawa sa tatlong opisyal ang nakilala lamang sa pangalang `Libot’ at barangay official `Bata’.
Lumilitaw na sa planong paglalagay ng mga stalls, binabanggit din nina “Libot” at “Bata” ang pangalan ni secretary to the mayor Atty. Rafaelito Garayblas at department of public services chief Col. Carlos Baltazar na nagbigay ng permiso sa kanila.
Subalit sa panayam kay Garayblas, itinanggi nito na nagbigay siya ng go signal sa mga nasabing opisyal. Sa katunayan umano ay mahigpit ang kautusan ni Lim na linisin ang mga kalsada dahil ito ay para sa mga motorista.
Bukod dito, sinabi pa ng ilang mga negosyante na mismong ang mga nasabing opisyal ang nagtitimbre kung may clearing operations sa nasabing lugar.
Kamakailan ay inatasan ni Lim ang mga station commanders na linisin ang kanilang nasasakupan mula sa mga vendors, krimen at sugal.
- Latest
- Trending