Empleyado nag-amok sa hotel
MANILA, Philippines - Arestado ang isang empleyado ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) makaraang magwala at magpaulan ng bala sa loob ng Heritage Hotel na naging dahilan sa kaguluhan at takot sa mga kustomer ng casino, kahapon ng umaga sa Pasay City.
Kasong illegal possession of firearms, illegal discharge, alarm and scandal, attempted homicide, at damages to property ang haharapin ni Edgardo Moreno, card sorter o balasador ng casino ng PAGCOR.
Nabatid na naganap ang insidente dakong alas-8:15 ng umaga. Nang magawang makapasok ng suspect sa hotel dala ang .38 baril na revolver. Agad nitong kinompronta ang live-in partner na si Dorothy Gumawa, balasador din ng casino, na humantong sa mainitang pagtatalo.
Dahil dito, binunot ng suspect ang dalang baril at pinaputukan si Gumawa na masuwerteng hindi tinamaan. Dito na sunud-sunod na nagpaputok ang suspect sa mga kagamitan ng casino. Nagawa namang maawat at masakote si Moreno ng mga security guard ng hotel at ng casino nang maubusan ito ng bala.
Ayon sa pamunuan ng PAGCOR, masuwerteng walang tinamaan o nasaktan sa naturang insidente kung saan umaabot sa P6,000 ang halaga ng ari-ariang nasira. Nakumpiska dito ang ginamit na kalibre .38 Smith and Wesson revolver na may anim pang bala, siyam na basyo at walong deformed slugs. Sinabi pa ng PAGCOR Heritage Medical Staff na may rekord na si Moreno ng depresyon.
- Latest
- Trending