MANILA, Philippines - Pitong mangingisda ang inaresto ng mga tauhan ng Taguig City government habang nasa aktong nanghuhuli ng isda sa “protected area” sa Laguna de Bay na idineklarang “nursery” ng mga maliliit na isda sa lawa.
Unang inaresto ng Lake and River Management Office (LRMO) si Manding Sampaga, 50, ng Pulong Kendi, Sta. Ana, Taguig habang nangingisda sa “fish sanctuary” dakong alas-11 ng gabi noong nakaraang Nobyembre 25.
Makaraan ang 30 minuto ay nadakip sa karagatan ang anim na mangingisda buhat pa sa Binangonan, Rizal lulan ng tatlong bangkang pangisda.
Kinilala lamang ng LRMO ang tatlong mga kapitan ng mga bangka na sina Edgar San Diego, 42; Renato Ducot, 52, at Ronillo Mon, 48.
Nabatid na nadakip ang mga mangingisda habang nagsasagawa ng iligal na pangingisda na “trawling”.
Ang trawling ay ang paggamit ng pinong lambat na hinihila ng dalawa o higit pang bangka upang mahuli ang lahat ng madaanan na isda.
Nabatid na nakakasira rin ng ilalim ng dagat ang naturang uri ng pangingisda kaya mahigpit na ipinagbabawal ito.
Sinampahan ng kasong paglabag sa Section 16 ng City Ordinance 114 o paggamit ng “trawl” at Section 38 dahil sa hindi otorisadong pangingisda sa karagatan na bahagi ng Taguig City.