MANILA, Philippines - Hindi na nagawang makauwi nang buhay ng isang security guard matapos na ratratin ng riding in tandem habang ang una ay sakay ng kanyang motorsiklo papauwi sa lungsod Quezon kamakalawa.
Away sa babae ang inisyal na tinitignang motibo ng pulisya para pagbabarilin ang biktimang si Randy Villareal, 31, line in security guard at residente sa Block 2, Maliksi St., West Kamias sa lungsod.
Ayon sa pulisya, ilang araw bago ang pamamaril ay may kausap pa ang biktima sa cellphone na hiniram lamang sa kanyang pinsang si Alvin Fuentes na isang babae.
Matapos nito, ay nakatanggap umano si Fuentes ng text mula sa isang walang pangalang sender na nagsasaad na “Randy wag kang tatalo ng may asawa, baka magsisi ka, taga- Pinyahan ka lang, kaya kitang... at kahit sa Capiz ka pa magtago kukunin kita.” Ang naturang mensahe ang tinitingnan ngayon ng CIDU na posibleng ugat ng nasabing pamamaslang.
Nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Roosevelt Avenue malapit sa panulukan ng Dangay St., Veterans Village, ganap na alas-7 ng gabi.
Sinasabing sakay ng kanyang XRM motorcycle (3291-NU) ang biktima papauwi buhat sa pagdu-duty nang sundan siya ng isang motorsiklo lulan ang dalawang suspect.
Nang makalapit ang motorsiklo ng mga suspect sa biktima, bigla na lang naglabas ng baril ang backrider ng una at pinaputukan ang huli sa likod, saka mabilis na lumayo patungong Edsa Avenue.