Toll fee sa SLEX, madadagdagan pa
MANILA, Philippines - Madadagdagan pa umano ang toll fee sa South Luzon Expressway (SLEX).
Ito ang kinumpirma ni South Luzon Tollway, Corporation (SLTC) president Isaac David nang ilunsad ang “Planting of Trees for Clean Air” program sa SLEX na pinangunahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR)
Ayon kay David, sa panukalang presyo ng pinakamataas na toll fee na P268, hindi pa umano kasama rito ang kalsadang magmumula sa Calamba Interchange na dulo ng SLEX at magtatapos sa Sto. Tomas, Batangas Interchange na simula naman ng STAR.
“Magkakaroon pa tayo ng additional na P3 kapag nabuksan na yung kalsada na magkokonekta sa SLEX at sa STAR, kasi yung amount na P268 hindi pa kasama yung toll fee para run,” pahayag ni David.
Aniya, kaya umano hindi nila mabuksan ito ay bunsod ng temporary restraining order (TRO) ngunit kapag nawala na ang TRO, bubuksan din nila ang naturang kalsada.
Inihayag din ni David na dahil sa naantalang pagpapatupad ng toll hike, may P800 milyon na ang inabot na halaga ng nalulugi sa SLTC sapagkat nasa P6 milyon ang nawawala sa kanilang kita araw-araw buhat pa noong Hunyo 2010.
Matatandaan na bagamat binawi na ng Korte Suprema ang TRO na naipalabas bunsod ng ilang naihaing petisyon laban sa toll hike, hindi naman naging malinaw kung kasama rito ang para sa TRO na mula naman sa mosyong inihain ni Albay Governor Joey Salceda.
- Latest
- Trending