MANILA, Philippines - Napasakamay na ng Quezon City Police ang tatlong kilabot na holdaper na responsable sa panghoholdap at pamamaril sa isang babaeng bookkeeper noong Biyernes, matapos ang ginawang pagsalakay sa kanilang lungga sa UP Diliman Campus sa lungsod Quezon kamakalawa.
Kinilala ni QCPD Director General Benjardi Mantele, ang mga suspect na sina Rolando Torpio, alyas “Striker”, 34; Predel Palma alyas “Bunso’’, 25; at Junjun Arcenal, alyas “Tata’’, 33; pawang mga residente sa Pook, UP campus, Quezon City. Tinutugis pa ang pang-apat na kasamahan nilang si Billy Mallorca, 37.
Ang mga suspect ang responsable sa panghoholdap sa biktimang si Mary Ann Flores, 32, na natangayan nila ng $18, 000 at P4, 000 makaraang holdapin sa may Kamias Road Quezon City noong nakaraang Biyernes matapos na magwithdraw ng pera sa Banco De Oro Sikatuna Branch.
Narekober sa mga suspects ang isang kalibre.22; dalawang M-16 magazine na may lamang 35 piraso ng bala; isang kalibre .22 na magnum smith and Wesson (8 shooter); tatlong ordinaryong kalibre 22; isang kalibre 9mm pistola na may anim na piraso ng bala at isang kalibre colt 45 pistola na may apat na magazines na may lamang 11 bala. Positibong kinilala ni Flores ang mga suspect lalo na si Arcenal na siyang nangholdap at bumaril sa kanyang hita makaraang holdapin.
Biyernes ng alas-11 ng umaga nang ‘makipag-tug-of-war’ si Flores sa mga suspect na sakay ng motorsiklo matapos na biglang agawin ng mga ito ang bitbit niyang bag habang naglalakad sa kahabaan ng Kamias Extension. Sinasabing kagagaling lamang sa bangko ng biktima at nagwithdraw ng pera at nang pumalag ito ay binaril siya sa kaliwang hita ng isa sa mga suspect.
Sa ginawang follow-up operation ng Police Station 9, ganap na alas-3 ng madaling-araw ni-raid ang lungga ng mga suspect.