MANILA, Philippines - Patay ang isang lalaki na umano’y sangkot sa serye ng robbery holdup makaraang pagbabarilin ng isa sa apat na kalalakihan habang ang una ay naglalakad sa madilim na lugar sa lungsod Quezon kamakalawa.
Nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan ang biktimang si Wandino Sarmiento, 38, ng Deparo St.,Brgy. Old Balara sa lungsod na siyang agad na ikinamatay nito.
Ayon kay SPO2 Neil Garnace ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police, narekober sa bangkay ng katawan ng biktima ng siyasatin ang isang patalim na nakasuksok sa kanyang bewang at isang plastic sachet naman sa kanyang bulsa na naglalaman ng marijuana.
Sa pagsisiyasat, nangyari ang pamamaril sa may Dupax St., sa naturang barangay ganap na alas-7 ng gabi. Bago ang pamamaril, galing umano ang biktima sa panonood ng bilyar kung saan apat na kalalakihan ang matagal na nagmamasid sa kanya.
Kaya naman nang papauwi na ang biktima at naglalakad sa madilim na bahagi ng naturang lugar ay biglang sumulpot ang ilang suspect at walang habas itong pinagbabaril sa buong katawan saka tumakas.
Lumilitaw din sa pagsisiyasat ng pulisya sa mga residente, ang suspect umano ay sangkot sa serye ng robbery holdup na siya ngayong tinitingnan nila na may kinalaman sa naturang pagpatay.
Narekober din sa lugar ang ilang basyo ng bala ng kalibre 45 at basyo ng bala ng kalibre 9 mm na ginamit sa pamamaslang sa biktima.