Pinoy na 'tulak' ng droga sa US, tiklo
MANILA, Philippines - Nadakip ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang Filipino green card holder na dating nag-aangkat ng ‘shabu’ sa Pilipinas patungong Guam sa pamamagitan ng pagpapalusot nito sa biyahe ng pinapasukang airlines company.
Nakatakdang ideport sa Estados Unidos si Mario F. Mercader, may mga alyas na “Super Mario”, “Boy George”, “Supot”, at “Sacho Boss”, 60-anyos, residente ng Balagtas Villas, Manila upang iharap sa mga kasong may kaugnayan sa iligal na droga.
Sa ulat ni NBI Foreign Liaison Division (FLD) chief, Atty. Claro de Castro Jr., may extradition request ang US government laban kay Mercader matapos itong madiin sa kasong “Conspiracy to Import Methamphetamine Hydrochloride”, o kilala sa Pinas na ‘shabu’, “Conspiracy to Distribute Methamphetamine Hydrochloride”, “Importation of Methamphetamine Hydrochloride”, at Distribution of Methamphetamine Hydrochloride.”
Nahaharap sa nasabing kaso sa United States District Court sa Guam ang suspect.
Sa ulat, ang kaso ni Mercader ay nag-ugat nang mabuko siya at ang kanyang hindi pa binabanggit na pangalan ng defendants sa pagbibiyahe mula sa Pilipinas patungong Guam simula 1995 hanggang Nobyembre 1997, at nagpapakalat din umano sa iba pang panig ng US ng droga.
- Latest
- Trending