Electric tricycle pumasada na
MANILA, Philippines - May 22 electric tricycle ang umarangkada na kahapon sa mga lansangan sa Mandaluyong City na naglalayong maging alternatibong uri ng transportasyon para sa pagtitipid sa gasolina at pagsagip sa kalikasan.
Sinabi ni Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos Jr. na ang lungsod ang napili ng Department of Energy (DOE) bilang “pilot testing area” sa pagpapasada ng mga tricycle na tumatakbo gamit ang elektrisidad at hindi gasolina.
Nagbuhat ang mga E-tricycle sa grant ng Asian Development Bank (ADB) sa DOE kung saan nagkakahalaga ng US$5,000 ang bawat tricycle. Pwede umano nitong maglulan ng hanggang walong pasahero.
Bilang pasimula, ipapapasada ng pamahalaang lungsod ang mga tricycle sa mga napiling mga benepisaryo na driver kung saan magre-remit ang mga ito ng P150 na boundary kada araw.
Nabatid rin na ipapasada ang mga tricycle sa paligid ng Maysilo Circle kung saan magtatayo rin ang pamahalaang lokal ng “charging station” para sa mga ito.
Inilunsad ang naturang programa bilang bahagi ng kampanya ng pamahalaan sa paghahanap ng mga alternatibong uri ng transportasyon na ligtas sa kapaligiran, at makatipid sa paggamit ng gasolina.
Sinabi rin ni Abalos na kanilang tuluyang ipinagbawal sa lungsod ng Mandaluyong ang anumang uri ng 2-stroke na motorsiklo na nagbubuga ng mapanganib na usok kung saan pawang mga 4-stroke na motorsiklo lamang ang kanilang pinapayagang bumiyahe.
- Latest
- Trending