MANILA, Philippines - Pinagsanib na ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) ang mga “police patrol units” ng magkakadikit na lungsod sa Metro Manila upang wala nang turuan at sisihan sa mga krimen na nagaganap sa kanilang mga “boundaries” o pamugaran ng mga kriminal.
Ayon kay NCRPO spokesman Sr. Supt. Dionardo Carlos, ipinalabas na nila sa limang Police Districts sa Metro Manila ang “implementing rules and guidelines” ng programang tinawag na “Boundary Patrol” na agarang ipatutupad ngayong Lunes.
Ipinaliwanag ni Carlos na mataas ang antas ng krimen sa mga hangganan ng iba’t ibang lungsod sa MM bunsod na rin ng kawalang koordinasyon ng mga istasyon ng pulisya at kalituhan kung sino ang nakakasakop sa hangganan.
Sa ilalim ng “Boundary Patrol”, magsasanib ang “patrol unit” ng police station ng magkadikit na lungsod at kapwa magbabantay sa kanilang hangganan. Dito palalakasin ang ugnayan at koordinasyon ng mga istasyon habang mapapalakas rin ang “police visibility”.
Karaniwang pinamumugaran ng mga kriminal ang mga hangganan dahil sa hindi pinagtutuunan ng pansin ng mga istasyon ng pulisya dahil sa turuan na layong burahin ngayon ni Bartolome.
Bukod sa pagpapatrulya, inaasahang magtatag rin ng “checkpoints” at chokepoints” ang NCRPO sa mga kritikal na boundary at sa mga “entry at exit points” ng Metro Manila upang masawata ang anumang pagtatangka ng mga kriminal.