MANILA, Philippines - Natimbog ng mga elemento ng Quezon City Police District (QCPD) ang apat na miyembro ng ‘Motorcycle carnap gang’ sa isinagawang buy-bust operation sa Quezon City.
Sa report ni QCPD Director Chief Supt. Benjardi Mantele, kinilala ang mga suspek na sina Demetrio Caro, 42; Jerry James Pangan, 19; Rommel Santiago, 26; at Gibbrael Arcega, 21.
Ang pagkakalambat sa mga suspek ay bunga ng pagkakaaresto sa isa sa kanilang kasama matapos makipag-deal sa poseur-buyer ng QCPD. Una rito, nakatanggap ng impormasyon ang pulisya hinggil sa operasyon ng grupo na sangkot sa nakawan ng motorsiklo sa lungsod.
Agad namang isinagawa ang buy-bust operation dakong alas-12:45 kamakalawa ng hapon sa Mindanao Avenue kung saan umaktong poseur-buyer si PO2 Jocel Calvario na umano’y bibili ng nakaw na dilaw na Yamaha MIO SZ-9374 kung saan ang ka-transaksyon ay ang suspek na si Arcega. Matapos dakpin si Arcega ay itinuro nito ang kanyang mga kasama na sunud-sunod na ring nadakip.