P25-M pekeng gamot nasamsam ng NBI
MANILA, Philippines - Timbog sa isinagawang operasyon ng mga ahente ng NBI ang isang negosyante na hinihinalang sangkot sa pagbebenta ng pekeng gamot mula sa ibang bansa, kasabay ng pagkasamsam ng tinatayang P25-milyong halaga ng pinaniniwalaang pekeng gamot sa Parañaque City, kamakalawa ng hapon.
Nakapiit na sa NBI detention cell ang suspect na kinilalang si Renante Dumasig, 35, ng Montenegro St., Better Living Subdivision, Parañaque City. Natukoy na ang mga nasabing gamot ay inaangkat umano mula sa India, Pakistan at Singapore.
Nag-ugat ang operasyon sa reklamong inihain ng Astra-Zeneca, Novartis Healthcare Philippines at Pfizer.
Sinabi ni Agent Terrence Agustin, ng NBI-Intellectual Property Rights Division (IPRD), agad na nagsagawa sila ng test-buy at surveillance hanggang sa makumpirma ang ilegal na pagbebenta ng nasabing mga hindi sertipikadong gamot.
Sa bisa ng search warrant inisyu ni Judge Amor Reyes, ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 21, kinumpiska ang mga nasabing gamot. Nadiskubre sa test buy na hindi nakarehistro sa Food and Drug Administration (FDA) ang gamot at ang mga label ay hindi alinsunod sa Philippine Generics Labeling requirements. Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Section 11 (a) at (j) ng RA 3720 kilala bilang An Act to Ensure the Safety and Purity of Foods, Drugs and Cosmetics at paglabag sa Sec. 10 of RA 9711 of the Food and Drug Cosmetic Act ang suspect.
- Latest
- Trending