Precinct commander sa Pasig nasampolan ng one strike policy sa riding-in-tandem

MANILA, Philippines - Unang nasampolan ng “one strike policy” sa pagsalakay ng mga kriminal na riding in tandem ang hepe ng Police Community Precinct 7 ng Pasig police makaraang pagbabarilin ang isang konsehal ng lungsod, kamakalawa ng umaga.

 Tinanggal sa puwesto ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) director, Chief Supt. Nicanor Bartolome si Sr. Insp. Samson Regala kaugnay ng pagsalakay ng mga hinihinalang upahang hitman na bumaril kay Councilor Roberto Benito malapit sa tahanan nito sa may Eusebio St. , Brgy. San Miguel.

Nakaligtas naman sa kamatayan ngunit inoobserabahan pa ang kondisyon sa Medical City ni Benito na nagtamo ng mga tama ng bala ng kalibre .38 sa katawan, ulo at mga paa.

Nabatid na nakikipag-usap ang biktima sa mga trabahador nito dakong alas-8:30 ng umaga nang pagbabarilin ng isa sa dalawang salarin lulan ng hindi naplakahan na motorsiklo.

Blangko pa rin naman ang Eastern Police District sa motibo ng naturang pamamaslang kung saan patuloy pa rin umano sila sa pagkalap ng impormasyon habang hinihintay na makarekober ang biktima upang makunan ito ng pahayag.

Matatandaan na ipinatupad ni Bartolome ang 1 strike at 2 strike policy sa pagsalakay ng mga riding in tandem kamakailan upang maprotektahan ang publiko laban sa naturang mga kriminal ngayong papalapit ang kapaskuhan. Sa ilalim nito, agad na sisibakin sa puwesto ang PCP commander na nakakasakop ng lugar na magkakaroon ng pagsalakay ng riding in tandem habang ang station commander naman ang susunod na matatanggal kung dalawang beses itong magaganap sa kanyang “area of responsibility”. (Danilo Garcia at Joy Cantos)

Show comments