MANILA, Philippines - Isang 4-taong gulang na batang lalaki ang nasawi makaraang maipit sa nagliliyab nilang bahay nang iwang mag-isa ng kanyang mga magulang na nakipag-inuman umano sa mga kapitbahay, kamakalawa ng gabi sa Mandaluyong City.
Halos hindi na makilala ang bangkay ng biktimang si Aaron Cruz dahil sa pagkalitson nito sa loob ng kanilang bahay sa #431 Tanglaw St., Brgy. Plainview, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng Mandaluyong Fire Bureau, sumiklab ang apoy dakong alas-9:21 ng gabi. Hinihinalang sa natumbang kandila na iniwan ng mga magulang ng paslit sa loob ng kanilang bahay ang siyang pinagmulan ng sunog.
Sa imbestigasyon, nawalan ng kuryente sa naturang lugar makaraang isang trak ang bumangga sa isang poste ng Meralco.
Iniwan naman umanong tulog ng mga magulang ang kanilang anak upang makipag-inuman sa mga kapitbahay. Inabutan na nilang nagliliyab ang kanilang bahay sa kanilang pag-uwi kung saan hindi na mailigtas ang nakulong nilang anak.