Nene sugatan sa gumuhong lupa at pader sa QC
MANILA, Philippines - Isang 11-anyos na batang babae ang sugatan makaraang madaganan ng ilang parte ng semento nang gumuho ang mataas na lupa at pader na nakatirik sa harapan ng kanilang tahanan sa lungsod Quezon kahapon.
Sa ulat ng barangay official sa lugar nakilala ang bata na si Fritz Escala, ng 33-A Libis Kaingin Road, na agad na isinugod sa East Avenue Medical Center matapos na matabunan ng lupa mula sa gumuhong pader.
Samantala, isang pamilya rin ang nailigtas ng rumespondeng kawani ng city hall matapos na ma-trap sa loob ng kanilang tahanan dulot ng mga tumabon na semento sa harapan ng kanilang bahay.
Sinasabi ni Apolonio Geronimo, barangay tanod ng Apolonio Samson, nangyari ang insidente pasado alas -10:30 ng umaga sa may Libis St., Brgy. Apolonio Samson sa lungsod.
Ayon kay Geronimo, ang lugar na pinaglalagyan ng pader ay ang loteng tinambakan ng lupa na may taas na 8 talampakan ay pag-aari ng isang Filipino Chinese na negosyante kasama ang pader na inilagay dito na posibleng bumigay bunga ng paglambot ng lupa.
Sinasabing bago ang pagguho, Miyerkules pa ng gabi ay nakakarinig na sila ng langitngit sa naturang pader sa lugar. Kinabukasan ay nagulat na lamang ang mga residente nang biglang bumigay ito at bumagsak sa eskinita.
Kasalukuyan namang papasok ng kanyang paaralan ang bata nang matabunan ng pagguho ng lupa dahilan para malibing ang kalahating katawan nito at masugatan.
Sa kasalukuyan, pansamantalang pinalikas ng city government ang iba pang pamilyang nakatira malapit sa pader upang maiwasan ang posible pang disgrasya sa sandaling bumuwal ang natitira pang parte nito.
- Latest
- Trending