Granada nakuha sa tapat ng US Embassy
MANILA, Philippines - Nabulabog ang mga security personnel ng official quarters ng mga tauhan ng US Embassy makaraang isang granada at isang bala ng grenade launcher ang natagpuan sa tapat ng compound sa Roxas Blvd., Pasay City kahapon ng umaga.
Dakong alas-10:40 ng umaga nang madiskubre ng street sweeper na si Charlie Nequito ang USMK2 fragmentation grenade at bala ng 40mm grenade launcher na nasa loob ng isang clutch bag at iniwan sa plant box sa tapat ng US Embassy seafront compound.
Nabatid na ang naturang compound ang opisyal na tahanan ng mga empleyado at opisyal ng embahada dito sa Pilipinas.
Agad namang inalerto ni Nequito ang mga security guard sa naturang lugar at iniulat ito sa Pasay police. Mabilis na rumesponde ang mga tauhan ng Bomb Disposal Unit at Special Weapons and Tactics unit.
Sinabi naman ni Pasay police chief, Sr. Supt. Napoleon Cuaton na malinaw na pananakot lamang ang pakay ng nag-iwan ng naturang mga granada sa tapat ng embahada. Bukod sa mga kinakalawang na, hindi naman umano sasabog ang mga ito dahil sa wala namang triggering device.
- Latest
- Trending