MANILA, Philippines - Sampung kababaihan na karamihan ay menor de edad ang nailigtas ng PNP-Criminal Investigation Group (PNP-CIDG) mula sa kamay ng isang sex trafficker sa isinagawang entrapment operation sa Mother Ignacia St., South Triangle Homes, Quezon City kamakalawa ng gabi.
Ayon kay PNP-CIDG Chief P/Director Leon Nilo de la Cruz, nagsagawa sila ng operasyon sa lugar matapos na makatanggap ng impormasyon na ibinubugaw ng lider ng sex trafficker sa kanilang mga kustomer ang mga nasagip.
Nabatid na ang modus operandi ng sindikato ay pahititin ng shabu ang mga biktima na nagkakaedad 14-anyos hanggang 20 taon bago ibugaw sa kanilang mga parukyano.
Arestado rin sa operasyon ang suspect na si Jelhson Aguirre, 25 , ng Brgy. Layunan, Binangonan, Rizal.
Nabatid sa imbestigasyon na kamakailan lamang nakilala ng mga biktima ang astang bading na suspek matapos silang i-recruit sa iba’t-ibang lugar sa Binangonan, Rizal upang bigyan umano ng magandang trabaho.
Nakuha rin sa operasyon ang mainit pang transparent plastic sachet na naglalaman ng latak ng shabu na ipinahitit sa mga biktima.
Nahaharap ngayon sa kasong qualified trafficking at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang suspect at mga kasabwat nitong tatlong iba pa sa kaniyang illegal na aktibidades.