MANILA, Philippines - Anim na Indian nationals na hinihinalang biktima ng human trafficking ang naharang ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) habang papasok sa bansa nang walang visa gamit ang southern backdoor.
Sinabi ni Immigration Officer-in-Charge Ronaldo Ledesma, ang nasabing mga Indians ay naharang sa southern seaport noong nakaraang linggo sa Tawi-Tawi.
Nilinaw naman ni Ledesma na ang mga dayuhan ay ipatatapon din pabalik sa kanilang bansa dahil sa pagpasok sa PiIipinas nang walang visa at dahil sa pagtanggi ng mga ito sa inspeksyon ng immigration authorities.
Kinilala ang mga dayuhan na sina Kuldeep Singh, Sikatar Singh, Paramjit Singh, Sogi Manvinder, Dharam Singh at Amrik Singh.
Ayon naman kay lawyer Faizal Hussin, BI intelligence chief, na ang mga indian nationals ay bumiyahe sa Bonagao, Tawi-tawi sa pamamagitan ng speedboat mula sa Semporna sa Sabah, Malaysia bago tangkaing pumuslit patungong Zamboanga.
Nadiskubre rin na nagtungo muna sa Thailand ang mga dayuhan bago nagtungo sa Malaysia base sa arrival stamps na nakita sa kanilang mga pasaporte at inamin naman ng mga ito na ang sindikato ng human trafficking syndicate ang nag-ayos ng kanilang biyahe.
Isang Ashok Kumar mula sa India ang nag-recruit at nag-ayos ng kanilang biyahe at siya ring pangalan na lumabas sa plane tickets at nag-book ng Air Asia flight mula India hanggang Malaysia.