MANILA, Philippines - Patay ang isang 32- an-yos na family driver matapos tamaan ng bala nang magwala at mamaril umano ang isang lalaking anak ng barangay chairman at may-ari ng isang bar sa Sampaloc, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni P/Insp.Armando Macaraeg, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, ang suspect na si Jeffrey Jimenea, ng Alvarez St. Sta. Cruz, Manila, at anak ni Barangay 234, Zone 24 Chairman Fernando Jimenea.
Agad namang binawian ng buhay ang biktimang si Gil Ibarra,residen-te ng no. 1434 J.Marzan St.,Sampaloc, Maynila.
Ayon kay SPO2 Edmundo Cabal, dakong 2:45 ng madaling araw nang maganap ang insidente malapit sa Fernando’s Grill na matatagpuan sa panulukan ng Dimasalang at M. Dela Fuente Sts., Sampaloc.
Nag-ugat ang insidente nang masagi umano ng isang di nakilalang tomboy, na sakay ng motorsiklo at may kaangkas na lalaki, ang side mirror ng sasak-yan ng isang Daniel Nalus, 37,ng no.1430 J.Marzan St., Sampaloc, Manila.
Hindi nagtagal ay nagkasundo na umano ang magkabilang panig nang lumabas umano ang grupo ni Jimenea at sinapak si Nalus. Tumakbo umano si Nalus sa bahay ng kaniyang tiyahin upang maka-iwas nang makarinig sila ng dalawang magkasunod na putok ng baril.
Nabatid din sa imbestigador na ang tomboy ay regular customer ng nasabing bar na dati nang inirereklamo umano ni Nalus sa pamamagitan ng isang petisyon, dahil sa ingay at lakas ng banda na nakabubulahaw umano sa lugar.
Paniwala ni Nalus, nang makita ng suspect na naroon siya at kaniyang grupo, naghinala ito na may gagawin silang hindi maganda kaya nagwala ito at namaril.
Nakikipag-ugnayan naman si Macaraeg sa nasabing chairman upang mahimok na isuko ang kaniyang anak.