MANILA, Philippines - Sinamantala ng mga miyembro ng Martilyo Gang ang labang Pacquiao at Margari- to matapos na pasukin ng mga suspect ang isang jewelry shop sa Binondo, Maynila,
Siyam na lalaki na pawang armado ng baril at Uzi ang tumangay sa hindi pa natutukoy na halaga ng mga alahas at cash sa Optic Vizion-Gold Dazz Marketing na matatagpuan sa no. 845 Ongpin corner T. Alonzo Sts., Binondo, Maynila na pag-aari ng Chinese national na si Gau Lin Ha, 82.
Sinabi ni SPO3 Genaro Tan, ng Manila Police District-Theft and Robbery Section, apat na motorsiklo umano ang sinakyan ng siyam na suspect nang pasukin ang nasabing jewelry store, dakong 12:00 ng tanghali.
Ilan ang nagsilbing look-out sa labas habang ang ilang pumasok ay nambasag ng mga estante, dinakot ang mga alahas at kinuha ang cash.
Halos limang minuto lamang naisagawa ang krimen bago nagsitakas ang mga suspect.
Isang hot pursuit operation ang iniutos ni MPD director C/Supt. Roberto Rongavilla sa MPD–Special Weapon and Tactics (SWAT) upang tugisin ang mga suspect.