Nakunan ng CCTV, 7 magkakaanak, timbog sa pagpatay

MANILA, Philippines - Pitong magkaka­anak na pinaniniwalaang mga suspect sa pagpatay sa kanilang kapitbahay ang dina­kip ng Pasay City Po­lice makaraang mabisto ang kanilang ginawa nang makunan ng “closed circuit television (CCTV)” sa kanilang lugar, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.

 Nakilala ang mga nadakip na sina Butch Ordona, 43; Joel Lacuna, 39; Dante Simeon, 40; Melvin Deamzon, 27; Dennis Fastidio, 38; Richie Sengil, 28 at isang menor-de-edad na lalaki, pawang mga residente ng M. Acosta St., Bgy. 77, ng naturang lungsod.  Pinaghahanap naman ang pangunahing suspect na si Cesar Cuevas, alyas “Tabo”.

Ang walo ay nakunan ng video footage ng CCTV camera na nagtulung-tulong na bumugbog at sumaksak sa nasawing si Nicomedes Ramos, 40, ng no. 126 Maginhawa St., Pasay.

  Sa ulat ng Station Investigation and Detective Management, naganap ang krimen dakong alas-2 ng madaling araw sa panulukan ng Kapitan Morong at Acosta streets, sa naturang barangay.  Nag-iinuman ang mga suspect nang mapadaan ang biktima.

 Napadaan naman ito sa isa pang grupo ng lalaki na nag-alok ng tagay sa biktima na pinaunlakan naman nito.  Nainsulto umano ang grupo ng mga suspect sa pagtagay sa kabilang umpukan ng biktima kaya sinundan saka pinagtulungang gulpihin at saksakin.

 Sa loob ng istasyon ng pulisya, todo tanggi ang mga ito sa ginawang krimen ngunit hindi nakaimik nang ipakita ang video footage kung saan nakunan sila na siyang nambugbog, nagbagsak ng bato sa biktima.  Ang nakakalayang suspect na si Cuevas naman ang nakitang sumaksak sa biktima sa dibdib.        

Show comments