MANILA, Philippines - Isang Grade 5 student ang nagsampa ng reklamo laban sa kanyang naging guro matapos siyang pagbintangan, murahin at takutin sa loob ng klase noong Setyembre 7, 2010 sa Antonio Luna Elementary School sa Tondo, Maynila.
Kasama ang kanyang inang si Ruby Perez, nagbigay ng kanyang salaysay kay SPO2 Andrea Parico sa Women & Children’s Protection Desk ng Manila Police District si Trixia Joy Perez, 10, upang ireklamo ang kanyang guro na si Mrs. Elsie Ignacio, adviser ng Grade 5-Einstein.
Batay sa sinumpaang salaysay ni Trixia, pinagmumura, hiniya at pinagbintangan siya ni Ignacio na nag-text ng masasama na mariin namang pinabulaanan ng bata.
Ayon kay Trixia, naganap ang insidente dakong alas-9 ng umaga sa loob mismo ng kanilang classroom kung saan sinigawan siya ni Ignacio at pinipilit na siya (Trixia) ang nag-text sa kanya. Kasabay nito, nagbitaw umano ang guro ng pahayag na “Punyeta, kayo ang idedemenda ko d’yan!”
Bukod dito, pinagbibintangan din umano ni Ignacio ang kanyang kapatid na si Germaine, 15. Ani Trixia, hindi nila alam ang cellphone number ni Ignacio kung kaya’t walang katotohanan ang sinasabi nito na sila ang nag-text sa guro.
Sinabi naman ni Ruby, matapos ang trauma na sinapit ng kanyang anak kay Ignacio, hind na pumasok sa eskuwelahan ang kanyang anak kung saan ipinasya na lamang nilang ilipat ito sa Plaridel Elementary School. Si Trixia aniya ay consistent honor student.