Kelot timbog sa bala, pampasabog

MANILA, Philippines - Isang lalaki ang na­dakip ng pulisya matapos ma-recover dito ang ilang pampasabog at assorted na mga bala, na pag-aari  umano ng isang retiradong sundalo kamakalawa ng gabi sa Parañaque City.

Sa report ng Southern Police District Office (SPD), kinilala ang suspect na si Danny Bajin-Ricaplaza, 33, ng Sunrise Drive Dulo, 4th Estate Subdivision, Brgy. Antonio ng nabanggit na siyudad.

Nakumpiska rito ang isang kahon na naglalaman ng 11 pirasong blast­­ing caps na may kasamang electrical wire, dalawang magazine, 29 pirasong bala ng kalibre .45 pistola, 28 pirasong bala ng cal. 60, 29 pirasong bala ng cal. 50, dalawang pirasong anti-aircraft ammo, siyam na booby trap simulators, 27 pirasong triggering device at assorted install material.

Ayon sa imbestigas­yon ni SPO1 Allan Abarra ng Station Investigation Division, Parañaque City Police, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa ilang ka­anak at kapit­bahay ng suspect na nagtatago ito ng mga gamit pampasabog at mga bala.

Kung kaya’t dakong alas-9:30 ng gabi ay agad na  sinalakay ng pulisya ang bahay ng suspect na si Ricaplaza  kung saan positibo ang impormasyon.

Ngunit  sa pahayag ng suspect, pag-aari umano ito ng isang nagnganga­lang Rodrigo Galam, isa umanong retiradong sundalo mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Show comments