Kelot timbog sa bala, pampasabog
MANILA, Philippines - Isang lalaki ang nadakip ng pulisya matapos ma-recover dito ang ilang pampasabog at assorted na mga bala, na pag-aari umano ng isang retiradong sundalo kamakalawa ng gabi sa Parañaque City.
Sa report ng Southern Police District Office (SPD), kinilala ang suspect na si Danny Bajin-Ricaplaza, 33, ng Sunrise Drive Dulo, 4th Estate Subdivision, Brgy. Antonio ng nabanggit na siyudad.
Nakumpiska rito ang isang kahon na naglalaman ng 11 pirasong blasting caps na may kasamang electrical wire, dalawang magazine, 29 pirasong bala ng kalibre .45 pistola, 28 pirasong bala ng cal. 60, 29 pirasong bala ng cal. 50, dalawang pirasong anti-aircraft ammo, siyam na booby trap simulators, 27 pirasong triggering device at assorted install material.
Ayon sa imbestigasyon ni SPO1 Allan Abarra ng Station Investigation Division, Parañaque City Police, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa ilang kaanak at kapitbahay ng suspect na nagtatago ito ng mga gamit pampasabog at mga bala.
Kung kaya’t dakong alas-9:30 ng gabi ay agad na sinalakay ng pulisya ang bahay ng suspect na si Ricaplaza kung saan positibo ang impormasyon.
Ngunit sa pahayag ng suspect, pag-aari umano ito ng isang nagngangalang Rodrigo Galam, isa umanong retiradong sundalo mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
- Latest
- Trending