13 kilo ng marijuana nasabat

MANILA, Philippines - Labintatlong kilo ng marijuana ang nakum­piska ng Manila Police District-Station 3 sa isang lalaki   mula sa Mountain Province sa pagbaba nito sa terminal ng provincial bus, sa Sta. Cruz, Maynila, kahapon ng madaling-araw.

Ayon kay MPD-Station 3 chief, P/Supt James Afalla, nasamsam mula sa suspect na si Felicimo Lagaban, 29, ng Barrio Bebe Munamon Sur, Mountain Province ang nasabing 13 kilo ng marijuana na may nakabalumbong mga basa­han sa ibabaw. May katumbas na P871,000 ang kabuuang halaga ng nasamsam na marijuana. Nakatakas umano ang isa pang suspect na kasama ni Laga­ban na kinilalang si Galawa Depayo.

Nabatid na dakong alas-4 ng madaling-araw nang arestuhin ang suspect pagbaba nito sa terminal ng Genesis Bus Lines sa kanto ng Doro­teo Jose St. at Rizal Ave., Sta. Cruz, Manila.

Bunsod ito ng nakuhang intelligence report na paparating na ang bus na sinasakyan ng dala­wang suspect na nagbibiyahe umano ng mari­juana na idedeliber umano sa Cavite kaya’t ikinasa ang operasyon kung saan nakumpiska ang dalang bag na yari sa sako na naglalaman ng dalawang supot ng marijuana.  

Patuloy umano ang isinasagawang imbes­tigasyon upang matukoy ang taong pinagbabag­sakan sa Cavite at kung saang lugar nakatanim o nanggagaling ang marijuana dahil sa pagtang­gi ng suspect na magsalita. Nakatakdang ipag­harap ng paglabag sa RA 9165 ang suspect.

Show comments