13 kilo ng marijuana nasabat
MANILA, Philippines - Labintatlong kilo ng marijuana ang nakumpiska ng Manila Police District-Station 3 sa isang lalaki mula sa Mountain Province sa pagbaba nito sa terminal ng provincial bus, sa Sta. Cruz, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay MPD-Station 3 chief, P/Supt James Afalla, nasamsam mula sa suspect na si Felicimo Lagaban, 29, ng Barrio Bebe Munamon Sur, Mountain Province ang nasabing 13 kilo ng marijuana na may nakabalumbong mga basahan sa ibabaw. May katumbas na P871,000 ang kabuuang halaga ng nasamsam na marijuana. Nakatakas umano ang isa pang suspect na kasama ni Lagaban na kinilalang si Galawa Depayo.
Nabatid na dakong alas-4 ng madaling-araw nang arestuhin ang suspect pagbaba nito sa terminal ng Genesis Bus Lines sa kanto ng Doroteo Jose St. at Rizal Ave., Sta. Cruz, Manila.
Bunsod ito ng nakuhang intelligence report na paparating na ang bus na sinasakyan ng dalawang suspect na nagbibiyahe umano ng marijuana na idedeliber umano sa Cavite kaya’t ikinasa ang operasyon kung saan nakumpiska ang dalang bag na yari sa sako na naglalaman ng dalawang supot ng marijuana.
Patuloy umano ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang taong pinagbabagsakan sa Cavite at kung saang lugar nakatanim o nanggagaling ang marijuana dahil sa pagtanggi ng suspect na magsalita. Nakatakdang ipagharap ng paglabag sa RA 9165 ang suspect.
- Latest
- Trending