Tsinoy, 1 pa huli sa 3 kilo ng cocaine
MANILA, Philippines - HuIi sa isinagawang buy-bust operation ang dalawa katao kabilang ang isang negosyante na nagpakilalang miyembro ng Presidential Anti- Smuggling Group (PASG), sa pagbebenta ng 3 kilo ng cocaine na may street value na P15-milyon sa loob ng isang five star hotel sa Pasig City, iniulat kahapon.
Kinilala ang mga nadakip na sina Arthur Olarte, 38, at ang negosyanteng Tsinoy na si Benjamin Liobing na may mga alyas na “Benjamin Bocboc Yu” at “Richardson Bondoc Ang”.
Isinagawa ang operasyon sa isang hotel sa Ortigas Center, Pasig City, kung saan nakumpiska ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI), Pasig Police at mga kinatawan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang 3 kilo ng cocaine.
Hinihinalang bahagi ito ng 1,500 kilo ng cocaine na itinapon sa karagatang sakop ng Samar mula sa isang international vessel na pinaniniwalaang nakuha ng mga mangingisda ng Samar.
Si Olarte umano ay nagpapanggap na miyembro ng PASG at may negosyong import-export.
Tumanggi namang tukuyin ni Atty.Ruel Lasala, deputy director ng NBI Intelligence Services ang ilang maimpluwensiyang indibidwal na sangkot sa operasyon ng cocaine sa bansa, bagamat kinumpirma niya na si Liobing ang kasamang umalis ni Congressman Ronald Singson sa bansa bago ito nadakip ng Hongkong authorities. “I ki-clear ko lang ha, wala kaming tinutukoy na pangalan ng pulitiko, we still verifying reports na ibinibigay sa amin,” ani Lasala.
Patuloy pa umano ang kanilang imbestigasyon at pakikipag-ugnayan sa PDEA hinggil sa pagkakasangkot ng ilang celebrities, law enforcers at iba pang personalidad, base sa nakalap na impormasyon.
- Latest
- Trending