Lider ng 'Bundol gang', 1 pang galamay timbog
MANILA, Philippines - Bumagsak na rin sa kamay ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) ang sinasabing lider ng “Bundol Gang” at isa pang tauhan nito sa follow-up operations ng pulisya makaraang unang madakip kamakalawa ang dalawang miyembro sa Parañaque City.
Kinilala ni NCRPO director, Chief Supt. Nicanor Bartolome ang nadakip na mga suspek na sina Allan Aristorenas, sinasabing pinuno ng sindikato at isang Robert Bonzon.
Nasakote ang dalawa sa inilunsad na manhunt ng Regional Police Intelligence Operations Unit (RPIOU) kamakalawa ng hapon sa Tramo St. , Pasay City.
Narekober sa mga suspek ang isang itim na Nissan Safari Patrol (UAN-553) na nakaparada sa may Sandejas St., Pasay.
Isa ring itim na Toyota Fortuner ang narekober ng pulisya sa isa pang operasyon sa may Moriones St. sa Tondo, Maynila. Ilalagak ng pulisya ang naturang mga ebidensya sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City.
Sinabi ni Bartolome na patuloy pa nilang pinaghahanap ang iba pang mga miyembro ng naturang sindikato na pangunahing nambibiktima ng mga balikbayan kung saan modus ng mga ito na bundulin ang target na sasakyan at saka tangayin.
Nanawagan naman ito sa iba pang mga naging biktima ng “Bundol Gang” na makipag-ugnayan sa NCRPO upang kilalanin ang mga suspek kung ang mga ito ang bumiktima sa kanila upang masampahan ng mas marami pang kaso at tuluyang mabulok sa bilangguan.
- Latest
- Trending